Inilantad ni Meta CEO Mark Zuckerberg ang isang malawakang reorganisasyon ng mga pagsisikap ng kumpanya sa artificial intelligence sa paglulunsad ng Meta Superintelligence Labs (MSL), na nagpapahiwatig ng matapang na hakbang patungo sa pagbuo ng mga advanced na AI system na maaaring lumampas pa sa kakayahan ng tao.
Sa isang internal na memo na nakuha ng ilang media outlet, inilatag ni Zuckerberg ang kanyang bisyon para sa bagong yunit, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang inisyatibo ng Meta sa AI sa ilalim ng iisang estruktura. Ipinapakita ng memo ang determinasyon ni Zuckerberg na ilagay ang Meta sa unahan ng karera sa pagbuo ng superintelligent AI systems. "Habang bumibilis ang progreso ng AI, ang pagbuo ng superintelligence ay unti-unti nang nagiging abot-tanaw," sulat ni Zuckerberg.
Ang bagong dibisyon ay pamumunuan ni Alexandr Wang, dating CEO ng data labeling startup na Scale AI, na ngayon ay Chief AI Officer ng Meta. Inilarawan ni Zuckerberg si Wang bilang "pinakamagaling na founder ng kanyang henerasyon." Makakatuwang ni Wang si Nat Friedman, dating CEO ng GitHub, sa pamumuno sa MSL at sa mga gawain ng Meta sa AI products at applied research. Pinagsasama-sama ng Meta Superintelligence Labs ang lahat ng foundation model teams ng kumpanya, kabilang ang mga nagtatrabaho sa open-source na Llama software, mga product team, at mga proyekto ng Fundamental Artificial Intelligence Research (FAIR). Ang reorganisasyong ito ang pinakamalaking pagbabago ng Meta patungo sa AI development mula nang magsimula itong mag-invest nang malaki sa teknolohiya.
Nasa gitna ng matinding kompetisyon mula sa mga katunggali gaya ng OpenAI at Google, agresibong nagha-hire si Zuckerberg ng mga AI expert. Sa bagong yunit para sa AI superintelligence, matutuloy ang pagtutok ng iba’t ibang koponan sa mga foundation model gaya ng open-source na Llama software. Ang matinding pagtutok na ito ay kasunod ng pag-alis ng ilang senior staff at hindi mainit na pagtanggap sa pinakabagong open-source na Llama 4 model ng Meta—mga hamong nagbigay-daan sa mga kakompetensiyang gaya ng Google, OpenAI, at DeepSeek ng Tsina na manguna sa AI race. Umaasa si Zuckerberg na mapapabilis ng bagong lab ang pagbuo ng artificial general intelligence—mga makinang kayang higitan ang tao sa pag-iisip.
Sa nagdaang buwan, personal na pinangunahan ni Zuckerberg ang agresibong pag-recruit ng talento, nag-alok sa mga startup gaya ng Safe Superintelligence (SSI) na itinatag ng OpenAI co-founder na si Ilya Sutskever, at direktang nilapitan ang mga prospect sa WhatsApp na may milyon-milyong alok na suweldo. Nitong buwan, nag-invest ang parent company ng Facebook at Instagram ng $14.3 bilyon sa Scale AI. Bukod kay Wang at ilang staff ng Scale AI, kabilang din umano sa bagong dibisyon si Daniel Gross, co-founder at CEO ng SSI. Nagdagdag din si Zuckerberg ng 11 bagong eksperto sa AI mula sa OpenAI, Anthropic, at Google.
"May kakaibang posisyon ang Meta para maihatid ang superintelligence sa mundo," pahayag ni Zuckerberg sa kanyang memo. "Mayroon tayong matatag na negosyo na sumusuporta sa mas malawak na pagbuo ng compute kaysa sa mas maliliit na lab. Mas malalim ang karanasan natin sa pagbuo at pagpapalaki ng mga produktong umaabot sa bilyong tao. Nangunguna tayo sa AI glasses at wearables na mabilis ang paglago. At ang estruktura ng ating kumpanya ay nagbibigay-daan para makakilos tayo nang mas matapang at may paninindigan. Naniniwala akong ang bagong daloy ng talento at sabayang pagbuo ng mga modelo ay maglalagay sa atin sa posisyon para tuparin ang pangakong personal superintelligence para sa lahat."